Hinikayat ng Department of Energy (DOE) ang mga motorista na isumbong ang mga gasolinahang hindi nagpapatupad ng ipinag-utos na bawas-presyo sa mga produktong petrolyo, dahil maaari itong ituring na ilegal na manipulasyon sa presyo.
Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, responsibilidad ng mga head office ng mga kompanya ng langis na ipaalam sa kanilang mga gasolinahan ang mga itinakdang pagbabago sa presyo upang matiyak ang agarang pagpapatupad nito.
Aniya, nagsasagawa rin ang DOE ng random inspection sa mga gasolinahan upang matiyak na nasusunod ang ipinag-utos na rollback.
Pinayuhan din ang publiko na i-report ang mga gasolinahang posibleng lumalabag sa pamamagitan ng 8888 complaint hotline o sa feature na “Gas Station Concerns” sa eGovPH application.
Noong Martes, Nobyembre 10, ipinatupad ng DOE ang malaking bawas-presyo sa mga produktong petrolyo batay sa galaw ng presyo ng imported oil at iba pang salik. Kabilang dito ang P16.80 bawas-presyo sa kada litro ng gasolina, habang P4.10 sa diesel at P3.70 sa kerosene. (Chill Emprido)
The post Gasolinahang pasaway sa rollback tagilid first appeared on Tonite - Abante.






