Relate na relate ang mga ayudanatics nating kurimaw sa naglabasang posts sa social media tungkol sa nakaaawang kalagayan ng mga purdoy na Pinoy na kailangang gumising nang maaga upang mauna sa pila ng mga nanlilimos ng “GL” o guarantee letter para sa mga kaanak nilang nakaratay sa ospital o kailangang ng gamot.
Sa isang socmed post, sinasabing pila sa tanggapan ng Department of Social Welfare Development o DSWD ang lumabas na larawan upang makauna sa pila ng mga nanlilimos ng GL na maaaring magamit na pambayad sa gastos sa ospital o pambili ng gamot.
Batay sa bulong ng ilan nating kurimaw na may karanasan na sa pamamalimos ng GL, kung bubuwenasin ang isang namalimos, maaaring mabigyan siya ng hanggang P100,000 halaga ng tulong sa paraan ng “papel” na mistulang “tseke.”
Ang GL, ibibigay niya sa ospital at ibabawas iyon sa gastos ng pasyente—na maaaring sa gamot o billing kung nakaratay siya. Maliban sa DSWD, may iba pang ahensiya na maaaring malapitan para sa GL gaya ng Malasakit Center, Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO, sa mismong Department of Health, at maging sa ilang politiko gaya ng mga kongresista.
Iyon nga lang, hindi sa lahat ng pagkakataon eh buwenas sa halaga ng GL na makukuha. Kung minsan, kapag natapat sa masungit at “kuripot” daw nag-aasikaso o sumusuri ng mga papel na isinusumite ng kaanak ng pasyente, masuwerte kung makakuha ng GL na halagang P10,000. Aba’y kung daang-libo ang halaga ng gastusin ng pasyente sa ospital, saan aabot ang P10,000?
Dahil marami pa ring mga hikahos na utaw ang namamalimos ng GL para maitawid ang buhay ng kaanak na pasyente, napapatanong ang ilan nating kurimaw na: anyare sa zero billing na ibinibida ng gobyerno? Paliwanag ng ilan nating kurimaw, may pakinabang ang zero billing kung sa government o public hospital na-confine ang pasyente.
Subalit ang masaklap din na katotohanan, hindi naman lahat eh kayang tanggapin sa mga public o government hospital. May mga pagkakataon [ lalo na kung emergency] na sa private hospital nadadala ang pasyente. Bukod doon, pila talaga at abangers ang mga pasyente sa government o public ospital para ma-admit o makakuha ng higaan.
Hindi nga ba ang sabi ng isang dating opisyal sa DOH, kung nais ng utaw na makatipid sa gastos sa pagpapagamot, pumila sa mga government o public hospital. At kung ayaw pumila, gumastos sa private hospital. Ang hirit naman ng mga kurimaw natin, hindi ba maaaring tulungan ng gobyerno ang lahat ng Pinoy na maysakit—sa public o private hospital man siya mapupunta?
Ang nais nilang sabihin, hindi ba puwedeng gawan ng paraan na ipasok na sa PhilHealth ang lahat ng pondo na pangtulong sa mga maysakit sa halip na ikalat pa sa kung saan-saan at kung sino-sino, na isa-isang hihingan ng limos ng mga tao upang makakuha ng GL?
Hirit pa ng mga kurimaw natin, kung nagagawa ng gobyerno na bumuhos ng bilyon-bilyong pondo sa kung ano-anong proyekto, bakit walang pondo na inilalaan para sa pagpapatayo ng mga bagong pampublikong ospital na katulad ng kalidad ng PGH o East Avenue Hospital, para magdagdagan ang mga government ospital na maaaring puntahan ng mga utaw?
Sa 2027, sinasabing nasa kalahati lang ng pondong hinihingi ng PhilHealth ang inaprubahan ng Kongreso, habang dinagdagan naman ang pondo para sa pang-ayuda ng iba’t ibang ahensiya at mga politiko.
Puna tuloy ng mga kurimaw, tila sinasadya ng mga nasa kapangyarihan na kontrolin ang pondong kailangan ng mga utaw para patuloy na umaasa sa kanila at tumanaw ng utang na loob, na ipapaalala nila pagdating ng eleksyon. Kahit ang totoo, hindi naman sa bulsa nila galing ang pondo. Himutok nga ng maraming netizens ngayon: Pinas, ang hirap mong nang mahalin: Tandaan: “Bata n’yo `ko at Ako ang Spy n’yo.”
The post Palimos ng ‘Guarantee Letter’ first appeared on Tonite - Abante.
